Dagupan City – Nilagdaan ng Pamahalaang Lokal ng Calasiao at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Supplemental Feeding Program (SFP) para sa mga batang nasa day care centers sa ilalim ng taong 2026–2028.
Layunin ng kasunduan na mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng mga batang kabilang sa Early Childhood Care and Development (ECCD) program, bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang maayos na paglaki at paghubog sa kanilang formative years.
Sa pamamagitan ng programang ito, mas matutugunan ng lokal na pamahalaan, katuwang ang DSWD, ang pangangailangan ng mga bata sa sapat na nutrisyon na makatutulong sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad.
Ang Supplemental Feeding Program ay isa sa mga pangunahing programa ng DSWD na ipinatutupad sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa upang masiguro na walang batang maiiwan pagdating sa kalusugan at nutrisyon.
Sa pagpirma ng kasunduan, muling pinagtibay ng Calasiao LGU ang kanilang pangako sa pagbibigay-serbisyo para sa kapakanan ng kabataan.










