DAGUPAN CITY- Pinagtitibay Public Employment Service Office (PESO) ng Mapandan sa pagpapatupad ng iba’t ibang livelihood programs na layuning makatulong sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabilang sa mahihirap na sektor.

Ayon kay Sheila Marie Penuliar, Senior Labor and Employment Officer ng PESO Mapandan, karamihan sa mga programang ito ay isinasagawa sa ilalim ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Katuwang ng PESO Mapandan ang mga opisyal mula sa DOLE Central Pangasinan Field Office sa pagsasagawa ng profiling ng mga batang nanganganib na maipasok sa child labor.

--Ads--

Nakikipagtulungan din ang mga barangay health worker (BHW) sa pag-ikot upang matukoy kung sinu-sino ang karapat-dapat makatanggap ng tulong, partikular na ang mga kabilang sa “poorest of the poor.”

Kapag marami ang kwalipikadong benepisyaryo, isinasagawa ang raffle upang maiwasan ang isyung may pinapaburan.

Tinitiyak din ng ahensya na ang mga ipinagkakaloob na kabuhayan ay akma sa pangangailangan at kakayahan ng mga tatanggap upang mas mapakinabangan ang tulong.

Sa Oktubre 23–24, magkakaroon ng pagkilala sa ilalim ng Adjustment Measures Program ng DOLE, na nagbibigay-suporta sa mga sektor na naapektuhan ng mga natural na kalamidad.

Isa sa mga nakinabang kamakailan ang Kabaleyan Market Association na may 45 miyembro, na ginawaran ng tulong na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, kabilang ang mga livelihood kits at pagsasanay para sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan.

Pinapalakas ng PESO Mapandan at ng DOLE ang mga programang nakatuon sa pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na ang mga higit na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.