DAGUPAN CITY- Nakilahok ang Barangay Longos sa San Fabian, Pangasinan sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa kapakanan ng mga bata, kasabay ng pag-ikot ng National Child-Friendly Competition na sinimulan noong Setyembre kung saan pinaiigting nila ang pag-aayos ng mga pasilidad para sa kabataan.
Ayon kay Brgy. Captain Eva Liwanag, Kabilang sa mga binigyang-priyoridad ang paglalagay at pagsasaayos ng breastfeeding facility, palaruan, at mga hugasan ng kamay mga estruktura na susuporta sa kalusugan ng mga bata sa araw-araw.
Sa Barangay Longos, nakatutok ang pamunuan sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng barangay at mga residente.
Pinaniniwalaang mahalaga ang sama-samang pagkilos upang masiguro ang epektibong pagpapatupad ng mga inisyatibang tumutugon sa pangangailangan ng mga bata, lalo na sa kalinisan, seguridad, at maayos na kapaligiran.
Bahagi rin ng pagsusuri sa kompetisyon ang aktwal na partisipasyon ng komunidad mula sa plano hanggang sa pagpapatupad ng mga proyekto para sa kabataan.
Sa barangay, isinusulong ang koordinasyon bilang pundasyon ng matagumpay at tuluy-tuloy na programa.
Habang nagpapatuloy ang kompetisyon, layong itaas ang antas ng pangangalaga sa mga bata sa antas ng barangay at himukin ang iba pang pamayanan na gawing prioridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.