DAGUPAN CITY- Hindi na bago para sa National PTA Philippines ang kulang-kulang na mga silid paaralan na proyekto ng mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kamakailan nang madiskubreng 22 na classroom lamang ang naipatayo sa kasalukuyang taon, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lito Senieto, Vice President ng nasabing grupo, taon-taon na ang ganitong pangyayari at napapabayaang mabulok na ang mga ibang classroom.
Ang kakulangan na ito ay nauuwi na lamang sa pag-aadjust ng isang paaralan kung saan nagkakaroon ng shiftings o pagsasalit-salitan sa mga silid aralan.
May pagkakataon din na nagsisiksikan na lamang ang dalawang advisories sa loob ng isang kwarto para lamang makapag-aral.
Samantala, nadaragdagan pa ang problema sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa tuwing walang pasok dahil sa sunod sunod na suspensyon ng klase dulot ng bagyo at pagbaha, gayun na din sa tuwing may holiday.
Ani Senieto, hindi kase nagtutuloy-tuloy ang pag-aaral dahil sa kakulangan ng kagamitan at hindi na nabibigyan ng modules ang mga ito.
Giit niya na sa tuwing nagbabago ang kalihim ng Department of Education (DEPED) ay binabago ang curriculum, base sa advice ng kanilang consultant.
Gayunpaman, wala pa rin nakikitang magandang pagbabago sa education system ng bansa.