Dagupan City – Nakumpiska ng Task Force Anti-littering ang 21 & 1/4 kilo ng karne ng manok sa Magsaysay Fish Market sa Dagupan City, kaninang madaling araw.

Ayon kay Jaime “Jong” Serna Jr., pinuno ng Task Force, tatlong tindera ang sangkot sa iligal na pagbebenta ng manok sa lugar na itinalaga lamang para sa isda.

Matagal na umanong pinagsabihan ang mga ito, ngunit dahil sa paulit-ulit na paglabag, kinumpiska na ang kanilang paninda.

--Ads--

Sinasabing ibinebenta ng mga tindera ang manok sa mas mababang presyo (₱130-₱160) kumpara sa presyo sa Malimgas Public Market (₱180-₱200), na nagdulot ng reklamo mula sa ibang mga tindera.

Ang mga nakumpiskang karne ay maaaring idulog sa City Veterinary Office at Market Division para sa kaukulang disposisyon.

Bukod pa rito, nakakumpiska rin ang Task Force ng apat na madayang timbangan sa mga nagtitinda ng isda sa Magsaysay Fish Port.

Kasalukuyan nang dinala ang mga ito sa kanilang opisina at hindi na ibabalik sa mga may-ari.

Sa halip, dadalhin ang mga ito sa Motorpool sa Bonuan Binloc para sa tamang disposisyon upang hindi na mapakinabangan pa.

Maaring hindi na payagang magtinda ang ilang vendors kung mahuli at paulit-ulit na gumagamit ng mga sira at madayang timbangan, dahil ito ay nakakasama sa mga mamimili.

Dagdag pa ni Serna, hindi ang timbangan ang madaya, kundi ang tao o mga nagtitinda na kaya naman, pinaalalahanan niya ang mga nagtitinda sa Dagupan City na nakamonitor ang kanilang opisina sa mga ganitong gawain upang mapanatili ang maayos na sistema ng pamimili sa palengke.

Mayroon ding limang “Timbangan ng Bayan” na maaaring gamitin ang mga mamimili sa pamilihan sa lungsod kung sa tingin nila ay nadadaya sila sa kanilang mga binibili.