Dagupan City – Patuloy na umiikot sa mga barangay sa Mangaldan ang National Irrigation Administration katuwang ang lokal na pamahalaan para tiyaking nakasusunod ang mga benepisyaryong magsasaka sa mga rekisito ng libreng serbisyo sa patubig.
Kamakailan, nagtungo sa Barangay Maasin ang Municipal Agriculture Office para mamahagi ng mga form habang nagbigay ng notarial service ang Municipal Administrator upang mapabilis ang proseso.
Mahigit 60 magsasaka mula sa Maasin at Malabago ang dumalo sa aktibidad sa tulong ng kanilang irrigators association. Kabilang sa mga barangay na sakop ng programa ang Alitaya, Amansabina, Gueguesangen, Anolid, Buenlag, Bari, Salay, at ilang bahagi ng Talogtog.
Nakabatay ang implementasyon sa Republic Act 10969 o Free Irrigation Service Act na nagbibigay ng libreng patubig sa mga maliliit na magsasakang may sakahang walong ektarya pababa.
Sa ilalim nito, wala nang kailangang bayarang P2,500 kada ektarya kada taon.
Tiniyak ng Municipal Agriculture Office na magpapatuloy ang aktibidad sa iba pang barangay upang mas mapalawak ang benepisyo ng programa at makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga magsasaka sa bayan.