Dagupan City – Pinaalalahanan ng Information and Communications Technology Office (ICTO) ng Bayambang ang publiko na maging mas maingat sa paggamit ng internet ngayong buwan ng Oktubre bilang pagdiriwang ng International Cybersecurity Awareness Month.

Bilang tugon, aktibong nagsasagawa ng mga paalala ang ICT Office ng Bayambang upang matulungan ang mga mamamayan sa pagpapanatiling ligtas ang kanilang personal na impormasyon habang nasa online platforms.

Isa sa mga pangunahing babala ay ang pag-iwas sa pagbabahagi ng personal na impormasyon gaya ng mga detalye ng karanasan na maaaring gamitin bilang password o sagot sa security questions, tulad ng pangalan ng unang guro o lugar ng kapanganakan.

--Ads--

Kasama rin sa mga paalala ang pagiging mapanuri sa mga link at QR codes na natatanggap mula sa mga hindi kilalang pinanggalingan.

Ayon sa ICTO, maaaring naglalaman ang mga ito ng malicious software na kayang makasira o magnakaw ng impormasyon mula sa mga gadgets ng user.

Dagdag pa rito, binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagsusuri sa URL o internet address ng mga website bago ito i-access.

Hindi sapat na may “https” lamang ang isang website, kailangang tiyakin din na ito ay lehitimong domain.

Ang kampanyang ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na itaas ang antas ng kamalayan ng publiko pagdating sa digital safety at cybersecurity.

Hinihikayat ang mga residente na palaging isaisip ang tamang pag-iingat sa paggamit ng internet.