Dagupan City – Iginiit ni Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III na siya ay Pro-Development at Pro-Environment kaugnay sa mga Infra Projects sa Probinsya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa gobernador sinabi nito na siya ay parehong pro-development at pro-environment kaugnay sa mga isinusulong na infrastructure projects sa probinsya.

Ayon kay Governor Guico, madalas aniyang sinasabi na hindi siya “pro-nature,” subalit nilinaw niya na ang Capitol Complex ay hindi isang forest lake kundi isang lugar na kailangan ng maayos na imprastruktura upang maiwasan ang pagbaha sa hinaharap.

--Ads--

Dagdag pa niya, sapat ang lugar para sa mga infrastructure facilities tulad ng mga ipinatatayo sa Capitol Plaza at ilang mga ahensya ng national government.

Ibinahagi rin niya na may plano silang magtayo ng International Grande Hotel para sa mga conventions, ngunit sa ngayon, inuuna muna nila ang mga mahahalagang proyekto.

Kabilang sa mga proyekto ang pagpapaganda ng Capitol Complex na may mga walkable places at mga lugar na nagpapakita ng kahalagahan ng mga pangyayari noon. Sa katunayan aniya, nakapagtanim na sila ng higit sa kalahating milyong puno.

Isa pa naman sa mga plano nila ay ang paggawa ng “Gulf Cores” sa Stanza Lingayen, kung saan magkakaroon ng mga sidewalk na mas pinaluwang upang mas maengganyo ang publiko na pumasyal.

Layunin nito na mapaunlad ang lokal na ekonomiya.

Binigyang-diin din ni Governor Guico na ang mga kable ng kuryente ay ilalagay sa ilalim ng lupa, at lahat ng lugar ay magkakaroon ng libreng WiFi upang maging mas accessible sa lahat.