Dagupan City – Pinarangalan ang Bayambang Municipal Cooperative and Development Council (MCDC) sa Region I Cooperative Stakeholders Summit.

Ang naturang pagkilala ay iginawad bilang patunay sa mahalagang kontribusyon ng MCDC sa patuloy na pagpapaunlad at pagpapatatag ng mga lokal na kooperatiba sa bayan ng Bayambang.

Ang plaque ng pagkilala ay sa ngalan ng alkalde ng bayan na si Niña Jose-Quiambao na siya namang personal na tinanggap ng OIC MCD Officer, Atty. Melinda Rose Fernandez.

--Ads--

Ang MCDC ng Bayambang ay kinilala dahil sa aktibong pakikilahok at epektibong pagpapatupad ng mga programa at inisyatiba para sa mga kooperatiba.

Kabilang dito ang mga pagsasanay, seminar, at iba pang mga hakbang na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga lokal na kooperatiba upang maging higit na matatag at produktibo ang kanilang operasyon.

Ipinapakita ng nasabing parangal ang patuloy na pangunguna ng Bayambang sa rehiyon pagdating sa kooperatiba at pagpapaunlad ng komunidad.

Inaasahan namang lalo pang palalawakin ng MCDC ang mga programa at aktibidad nito upang makamit ang mas mataas na antas ng kaunlaran at pagkakaisa sa hanay ng mga miyembrong kooperatiba sa Bayambang.