DAGUPAN CITY- Nagsimula nang gumawa ng kongkretong hakbang ang lalawigan ng Pangasinan kasunod ng naranasang pagbaha sa buong lalawigan nitong mga nagdaang bagyo.

Dahil dito, Itinatag na ang Flood Management Department upang tutukan ang mga pangunahing dahilan ng pagbaha, humanap ng pondo, at maglatag ng planong pang-imprastraktura na siyang magreresolba sa problema sa pagbaha sa lalawigan.

Ayon kay Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III, lumalawak na ang epekto ng pagbaha sa probinsya kung saan maging ang eastern part ng Pangasinan na dati’y hindi binabaha, ngayo’y nakararanas na ng matinding pagtaas ng tubig tuwing may malalakas na pag-ulan o bagyo.

Dahil dito, binibigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan ang masusing pagsusuri sa mga proyekto upang matiyak na magiging kapaki-pakinabang ito sa mga apektadong lugar.

--Ads--

‎Kasabay nito, binanggit din ng Gobernador ang usapin ng kakulangan sa pasilidad para sa mga turista gaya sa bayan ng Manaoag.

Dahil sa dagsa ng mga bumibisita, nagkukulang na umano ang lugar sa parking area, mga kainan, at iba pang pangunahing pasilidad.

Bilang tugon, pinaplantsa na ng probinsya ang mga plano upang ma-develop ang mga ito, at mas mapadali ang pagsubaybay sa mga solusyong ilalatag.

Sa sektor naman ng edukasyon, isinapubliko rin ng gobernador ang planong pagpapalit ng dalawang lumang silid-aralan ng isang bagong gusali na may kapasidad na humigit-kumulang tatlumpung classrooms.

Layunin nitong makapagbigay ng mas maayos na pasilidad para sa mga mag-aaral sa lalawigan.