Nagpahayag ng seryosong pag-aalala si Mayor Patrick Caramat ng Calasiao sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng teenage pregnancy sa kanilang bayan, kung saan may mga ulat na nagbubuntis na ang ilan sa murang edad na 12 taong gulang.
Ayon sa alkalde, ito ay isang problemang nangangailangan ng agarang aksyon hindi lamang mula sa pamahalaan kundi mula sa buong komunidad.
Bilang tugon, isinagawa na ng lokal na pamahalaan ang sunud-sunod na mga symposium sa mga paaralan mula elementarya hanggang high school upang ipaliwanag sa kabataan ang masamang epekto ng maagang pagbubuntis, lalo na kung sila ay hindi pa emosyonal at mental na handa.
Layunin ng kampanyang ito na mapababa ang bilang ng teenage pregnancy at maiwasan pa ang pagdami ng mga kaso sa hinaharap.
Hinikayat din ng alkalde ang mas aktibong partisipasyon ng mga magulang, guro, at iba pang miyembro ng komunidad sa pagtutok at paggabay sa kabataan.