DAGUPAN CITY- Natagpuang wala nang buhay sa Lingayen Baywalk ang isang 17 anyos na binatilyo bandang alas siyete ng umaga, kahapon, araw ng Huwebes.
Ayon kay Pcapt Michael Maure, Investigation Officer ng Lingayen Pnp, may mga bali sa paa, kamay, at sugat sa parteng mukha ang biktima kung saan sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posibleng biktima ito ng hit-and-run.
Bagamat walang malinaw na indikasyon ng foul play, patuloy ang malawakang pagsusuri sa insidente. Kasalukuyang kinokonsidera ang lahat ng posibleng sanhi ng pagkamatay ng biktima habang isinasailalim sa forensic examination ang kanyang labi.
Tinututukan na rin ng mga imbestigador ang pangangalap ng CCTV sa paligid mula sa mga residente at posibleng saksi upang matukoy kung may sangkot na sasakyan o ibang salik sa insidente.
Giit ng pulisya, may regular na nagpapatrolyang tauhan sa baywalk tuwing gabi.
Tiniyak ng mga awtoridad na hindi titigil ang imbestigasyon hangga’t hindi nakakalap ng sapat na ebidensiya na magtuturo sa kung anong tunay na nangyari sa biktima.