Bagama’t wala pang kasalukuyang teknolohiyang kayang hulaan ang lindol, tiniyak ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na may sapat na hakbang na isinasagawa upang mapalakas ang kahandaan ng mga mamamayan sa harap ng mga sakunang ito.
Ayon kay Ron Maegan Equila, Earthquake and Tsunami Focal Person at Research and Planning Head ng PDRRMO, hindi pa rin posible sa ngayon ang eksaktong prediksyon ng lindol.
Gayunpaman, malawak na ang paghahandang ginagawa ng kanilang tanggapan upang maprotektahan ang mga residente, lalo na sa mga lugar na itinuturing na mataas ang panganib.
Aniya naglabas ang kanilang tanggapan ng memorandum na naglalaman ng listahan ng apat na lokal na pamahalaan (LGU) na nakapagtala ng pinakamaraming lindol noong nakaraang taon.
Kung saan ang mga ito ang magiging prayoridad sa mga susunod na hakbang na kanilang gagawin.
Bahagi ng kanilang inisyatibo ang patuloy na survey upang matukoy kung gaano kasusceptible sa lindol ang bawat kabahayan.
Kasama rito ang assessment sa structural integrity at lokasyon ng mga tahanan, lalo na sa mga lugar na malapit sa fault lines.
Isa naman sa mga pangunahing hamon, ay ang mababang antas ng kaalaman o awareness ng publiko.
Upang tugunan ito, inilunsad ng PDRRMO ang Project PRAAN (Preparedness and Resilience Awareness Against Natural Hazards), na nakatuon sa mga tsunami-prone areas.
Sa ilalim ng proyekto, isinasagawa ang malawakang information education campaigns upang mapalawak ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa mga panganib ng tsunami at lindol, at kung paano dapat tumugon sa oras ng sakuna.