Ngiti at tuwa ang isinalubong ni Evyatar David, isang Israeli hostage na pinilit na hukayin ang sarili niyang libingan habang nasa kamay ng Hamas sa Gaza, nang muli siyang makapiling ng kanyang pamilya.
Si David, 24-anyos, ay isa sa 20 bihag na pinalaya sa ilalim ng isang ceasefire agreement na pinangunahan ng Estados Unidos.
Higit 700 araw siyang bihag matapos siyang dukutin noong Oktubre 7, 2023 sa Nova Music Festival, sa gitna ng pag-atake ng Hamas.
Sa mga larawang kumalat, makikitang nakayakap si David sa kanyang mga magulang na sina Avishai at Galia, habang halatang hindi pa rin siya makapaniwala na siya’y ligtas na.
Sa isang video na inilabas habang siya’y bihag pa, makikita si David na payat na payat at halatang gutom na gutom. Ipinakita rin niya ang libingang siya mismo ang pinilit na hukayin, sabay sabing:
“This is the grave I think I’m going to be buried in… Time is running out.”
Bilang bahagi ng kasunduan, pinalaya rin ang maraming bilang ng mga Palestinian prisoners, at isinauli ang mga bangkay ng 28 hostages.
Pagdating sa Beilinson Hospital sa gitnang Israel, hindi na napigilan ni David ang maiyak sa tuwa, kasabay ng masigabong pagsalubong mula sa kanyang pamilya at mga tagasuporta.