Dagupan City – Iginiit ni Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III na dumaan sa tamang proseso at masusing pagpaplano ang ginagawang redevelopment sa Capitol Grounds, kabilang na ang pagputol sa ilang punong-kahoy sa lugar.

Sa naging mensahe ng gobernador, isinasaalang-alang nila aniya sa proyekto hindi lamang ang pangangailangan ng lokal na komunidad kundi pati na rin ang potensyal ng Capitol Complex bilang tourist at business hub sa lalawigan.

Layunin umano ng proyekto na mapabuti ang accessibility at kaginhawaan sa lugar, lalo na sa mga bisita at mamamayang umaasa sa serbisyong ibinibigay dito.

--Ads--

Aniya, ang promotion ng turismo sa Capitol ay mahalaga upang mas dumami pa ang mga bumibisita rito — na sa huli ay makikinabang rin ang mga Pangasinense.

Samantala, kaugnay ng mga puna hinggil sa pagputol ng mga puno sa Capitol Grounds, nilinaw ng gobernador na ito ay aprubado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at bahagi ng mas malawak na urban greening program ng pamahalaang panlalawigan.

Ani Guico, hindi nagputol nang walang kapalit ang mga ito dahil sa katunayan, nasa kalahating milyon na punong-kahoy na ang naitanim bilang bahagi ng ating tree planting at Green Canopy Program.

Hinikayat din niya ang mga bumabatikos na huwag lamang manatili sa puna kundi makibahagi sa mga inisyatibong pangkalikasan ng Kapitolyo.