Dagupan City – Ipinaabot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang malasakit at pakikiisa nito sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa pamamagitan ng pamamahagi ng kabuuang ₱5 Milyon na tulong pinansyal sa ilalim ng ‘Tulong Kapatid Program.’
Kung saan bawat isa sa limang lokal na pamahalaang napili ay tumanggap ng ₱1,000,000 upang makatulong sa kanilang relief at rehabilitation efforts.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang nasabing tulong ay sa ilalim ngprogramang “Tulong Kapatid” na boluntaryong ipinapatupad ng lalawigan at hindi isang mandatory.
Nilinaw rin nito na ang pondo ay mula sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Fund at hindi mula sa general fund ng kapitolyo.
Ani Lambino, mas kailangan ng mga nasalantang lalawigan ang agarang tulong, kaya’t sinisikap ng Pangasinan na tumugon sa abot ng makakaya.
Ang mga lalawigan naman na nakatanggapay kinabibilangan ng lungsod ng Bogo, Cebu na matinding naapektuhan ng lindol na may lakas na 6.9 magnitude noong Setyembre 30, 2025, na sumira sa maraming tahanan at imprastruktura.
Lalawigan ng Cagayan na lubhang sinalanta ng Super Typhoon Nando, na nagdulot ng malawakang pinsala at pagkawala ng buhay.
Local Government Unit ng Calayan Island, Cagayan na isa rin sa mga lugar na tinamaan ng parehong super typhoon.
Lalawigan ng Batanes na nakaranas ng malaking pinsala at pagkalugi dahil din sa Super Typhoon Nando.
At ang lalawigan ng Masbate na tinamaan ng Tropical Storm Opong, na nagdulot ng pinsala sa agrikultura, imprastruktura, at ikinasawi ng ilan.
Ang ipinaabot na tulong ay inaprubahan sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Oktubre 6, sa pamamagitan ng limang magkakahiwalay na provincial resolutions.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan din ng Pangasinan DRRMO kung may iba pang lugar na maaaring mabigyan ng suporta mula sa lalawigan, batay sa pangangailangan at saklaw ng pondo.