DAGUPAN CITY- Maliban sa Ghost Flood Control Project, nahalungkat din ang maanumalyang mga proyekto sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Mendoza, National Coordinator ng Alliance of Health Workers, nararapat lamang imbestigahan ang mga maanumalyang programa ng ahensya dahil sa laki ng budget nito noong nakaraang taon ay nananatiling marami ang hindi naaabutan ng serbisyo.
Aniya, maraming mga Health Facilities na kabilang sa budget na dapat ay tapos na 2 taon na ang nakalilipas subalit hindi naman napapakinabangan at naka’tengga’ lamang.
Maliban pa riyan, kinukulang din ng mga tauhan ang ilang health centers dahil sa pamomolitika at ang may mga kapit lamang ang tinatanggap.
Habang ang sinasahod ng mga nurse ay hindi sumasapat at hindi pa rin itinataas.
Bukod pa riyan, hindi nakikita ni Mendoza na makatotohanan ang ‘Zero Balance Billing’ hanggang nananatiling limitado ang pondong ilalaan sa pagpapatupad nito.
Giit niya na dapat lamang may mapanagot sa kurapsyon sapagkat sa halos P400 million na budget ang inilabas ng ahensya ay may malaking halaga ang nananatiling kwestyonable.
Ani Mendoza, dapat magkaroon ng matibay na batas na sumusuporta sa health sector ng bansa upang maibigay ang mga serbisyo na umaabot sa mga nangangailangan, kabilang na rito ang pagpapataas pa ng budget sa health care.