Dagupan City – Isang truck na may kargang mga sako ng palay ang natumba sa kahabaan ng bayan ng Sta. Barbara.

Sa kabutihang palad, ligtas at walang natamong sugat ang driver at pahinante ng nasabing sasakyan.

Kinilala ang driver na si Jaylord Tabangin, na ayon sa kanya ay mahina lamang ang kanyang takbo nang mangyari ang insidente.

--Ads--

Wala rin umano silang malubhang tinamong pinsala, maliban sa nasirang windshield ng truck.

Aniya, sa tagal na nitong driver, ngayon lang talaga nangyari sa kanila ang ganitong aksidente.

Ayon naman sa may-ari ng truck na si Jay-R Antonio, pauwi na sana ang kanilang biyahe patungong Isabela nang maganap ang insidente.

Tinukoy nito na posibleng sobrang bigat ng kargang palay, na tinatayang nasa 14 tonelada, ang naging dahilan ng pagkakatumba ng truck.

Giit ni Antonio, hindi ito kagustuhan ng driver at mahigpit din nilang isinasagawa ang regular na maintenance ng kanilang mga sasakyan.

Aniya, may mga pagkakataon talagang hindi maiiwasan ang aksidente, kahit gaano ka pa kaingat.

Bilang paalala, hinimok ni Antonio ang mga kapwa motorista na magdoble-ingat sa kalsada at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe, lalo na kung may mabigat na kargamento.