Dagupan City – Nilinaw ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 na walang katotohanan ang mga kumakalat na ulat na may posibilidad na pumutok ang Apolaki Caldera sa Philippine Rise.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, Spokesperson ng Office of the Civil Defense Ilocos Region, sinabi nito na nananatiling dormant ang naturang underwater volcano na natuklasan pa noong 2019.
Dagdag ni Pagsolingan, walang indikasyon o ebidensiya na nagpapakita ng aktibidad ng nasabing bulkan kaya’t hindi ito dapat ikabahala ng publiko.
Pinayuhan din niya ang publiko na iwasan ang pagkalat o paniniwala sa pekeng balita at tiyaking sa mga opisyal at lehitimong ahensya lamang kumuha ng impormasyon.
Kasabay ng paglilinaw ukol sa Apolaki Caldera, inilahad rin ni Pagsolingan ang patuloy na kampanya ng OCD sa pagpapaigting ng kahandaan ng publiko sakaling magkaroon ng lindol.
Ayon sa kanya, mandato ng ahensya na tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng kanilang contingency plans at pagsasanay para sa mga sakuna.
Isa sa mga binigyang-diin ni Pagsolingan ay ang “Duck, Cover, and Hold” na pangunahing hakbang tuwing lumilindol.
Aniya, mahalaga ring magtungo lamang sa mga open area pagkatapos ng lindol at huwag basta-basta tumakbo habang ito ay nangyayari.
Pinaalalahanan din ng OCD Region 1 ang publiko na magkaroon ng emergency “Go Bag” na dapat naglalaman ng sumusunod: Tubig at pagkain na sapat para sa 72 oras, First aid kit, Flashlight at extra batteries, Whistle, Importanteng dokumento (ID, birth certificate, etc.), Face masks, hygiene kit, at extra damit
Hinikayat rin ni Pagsolingan ang mga LGU at komunidad na agad makipag-ugnayan sa OCD kung kinakailangan ng teknikal na asistensya kaugnay sa disaster preparedness.
Bilang bahagi ng paghahanda, regular na nagsasagawa ang OCD ng tabletop exercises para suriin ang mga contingency plan ng mga LGU sa panahon ng lindol.
Sinusuri rin dito kung epektibo ang mga hakbang na isinasaalang-alang, gaya ng pagkakaroon ng evacuation facilities, communication plans, at koordinasyon ng mga first responders.
Giit ni Pagsolingan, mahalagang masigurong may sapat na kaalaman, kasanayan, at kagamitan ang mga emergency responders upang epektibong makapagsagawa ng response operations kapag may sakuna.