Isang pagkakataon upang mag-reflect, magturo, at magsulong ng maagang pagtuklas at pag-iwas ang pagdiriwang ng Breast Cancer Awareness Month ngayong Oktubre.
Sa eksklusibong panayam kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate binigyang diin nito angkahalagahan ng kamalayan, maagang pagtuklas, at kung paano nagsisimula ang kanser sa dibdib.
Ayon kay Dr. Soriano, ang susi sa paglaban sa nasabing karamdaman ay maagang pagtuklas.
Ang breast cancer ay nagsisimula sa abnormal na pagpaparami ng mga cells sa dibdib.
Kadalasan, nagsisimula ito sa isang bukol at pinakakadalasang naaapektohan ay ang ducts (mga daanan ng gatas), kaya’t mas malaki ang posibilidad ng kanser na magsimula sa mga bahaging ito.
Bagamat mas karaniwan sa mga babae, mas mababa sa 1% ng mga lalaki ang naaapektohan ng nasabing sakit.
Dagdag nito, ang pinakakaraniwang mga risk factor ay ang mga genetic predispositions at hormonal abnormalities.
Kahit na walang kasaysayan ng kanser sa pamilya, maaari pa ring magkaroon ng breast cancer ang isang tao, lalo na kung mayroon siyang mga problema sa hormones.
Kayat mahalaga na magkaroon ng self-awareness o ang pagpapakilala ng bawat isa sa kanilang katawan.
Ang regular na self-exams at health check-ups ay napakahalaga upang mas makilala ang sariling katawan at agad matukoy ang anumang pagbabago o bukol sa dibdib.
Ani Dr. Soriano dapat maglaan tayo ng oras upang magturo at magbigay-alam sa ating mga sarili at sa iba hinggil sa mga risks, kahalagahan ng maagang pagtuklas, at kung paano tayo lahat ay maaaring mag-ambag sa laban kontra breast cancer.