Dagupan City – ‎Sa harap ng banta ng mga posibleng aftershocks matapos ang lindol, muling nagpaalala ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Jacinto, Pangasinan sa mga hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

‎Isa sa mga pangunahing paalala: manatiling kalmado. Sa gitna ng pangamba, mahalagang malinaw ang pag-iisip upang mabilis na makakilos.

Kung nasa loob ng bahay o gusali, agad na humanap ng matibay na bahagi ng istruktura gaya ng ilalim ng mesa at gawin ang duck, cover, and hold.

Hawakan ang mga bagay na makakatulong sa pagprotekta sa ulo at leeg habang pinapanatili ang balanse.

‎Para naman sa mga nasa labas, inirerekomenda ang paglalagay sa open space.

--Ads--

Iwasan ang mga poste, puno, at gusali anumang maaaring gumuho o bumagsak.

Mas ligtas kung malayo sa mataas na istruktura habang may paggalaw pa ang lupa.

‎Pinapaalalahanan din ng ahensya na suriin ang paligid pagkatapos ng pagyanig.

Lumayo sa mga bitak sa lupa, gumuhong pader, at sirang linya ng kuryente.

Huwag munang bumalik sa loob ng bahay hangga’t hindi natitiyak ang katatagan ng estruktura.

‎Mahalaga rin ang mabilis na komunikasyon ipaalam sa pamilya at lokal na awtoridad ang inyong kalagayan.

Sa mga may access sa social media, maaaring gamitin ito para sa pagbibigay ng impormasyon sa ligtas na paraan.

‎Panawagan ng MDRRMO, ibahagi ang ganitong impormasyon upang mas marami ang maging alerto at handa sa anumang maaaring sumunod na panganib.