Mariing tinutulan ni dating House Representative France Castro ang naging desisyon ng Kamara na tanggihan ang mungkahing alisin ang unprogrammed funds sa panukalang 2026 national budget, na aniya’y patuloy na nagiging daluyan ng korapsyon at “insertions.”
Ayon kay Castro, dapat ibalik ang dating sistemang kung saan ang mga ahensya ng gobyerno ay maaaring maghain ng supplemental budget kung mayroong lehitimong pangangailangan.
Binatikos din niya ang paggamit ng unprogrammed funds para sa mga proyektong tinukoy niyang madalas paglagyan ng “pork barrel” tulad ng flood control projects at farm-to-market roads, na ani niya ay madalas ginagamit bilang cover para sa mga maanomalyang transaksyon.
Dapat aniya ay ituon na lamang ang pondo sa mga mas makabuluhang programa tulad ng subsidy para sa mga magsasaka, pabahay, at pampublikong ospital.
Binanggit din ng dating mambabatas na nasa kamay ng Pangulo ang kapangyarihang maglabas ng unprogrammed funds, kaya’t mas lalong nawawala ang transparency at checks-and-balances sa paggamit nito.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, isang tao lang talaga ang may desisyon kung saan ito mapupunta kayat malaki ang kapangyarihan ni Pangulong Marcos.
Nananawagan naman ito na tuluyan nang tanggalin ang unprogrammed funds sa pambansang budget upang maiwasan ang patuloy na pang-aabuso at mapalakas ang integridad ng paggamit ng pondo ng bayan.