Itinakda na magsasagawa ng hindi bababa sa dalawang job fair kada taon ang bawat munisipalidad sa lalawigan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Public Employment Service Office (PESO) na matugunan ang pangangailangan sa trabaho ng mga residente.
Paliwanag ni Sr. Labor Employment Officer, Sheila Marie Penuliar ng PESO Mapandan, kabilang sa mga aktibidad ang regular at special recruitment activities, kapwa para sa lokal at overseas employment.
Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga naghahanap ng trabaho, lalo na ang mga bagong nagtapos at ang mga nawalan ng hanapbuhay.
Tinatarget na magkaroon ng dalawang major job fair, isa pagkatapos ng graduation season upang agad na makahanap ng trabaho ang mga bagong tapos sa pag-aaral, at isa pa na itinatalaga ng lokal na pamahalaan batay sa pangangailangan ng komunidad.
Bahagi ito ng mas pinaigting na employment facilitation program ng PESO upang matugunan ang unemployment at makatulong sa pagpapatatag ng kabuhayan sa bawat bayan.