Dagupan City – Bilang tugon sa bumababang presyo ng palay, inihayag ni Calasiao Mayor Patrick Caramat na bibilhin ng lokal na pamahalaan ang palay ng mga magsasaka sa mas mataas na halaga upang matulungan sila sa gitna ng kinakaharap nilang mga suliranin.

Ayon kay Mayor Caramat, kasalukuyang kasing nasa ₱9 kada kilo ang bentahan ng palay, na masyadong mababa para makabawi ang mga magsasaka sa kanilang puhunan.

Kaya naman target ng LGU na taasan ang presyo ng pagbili sa mga lokal na magsasaka upang maibsan ang kanilang pagkalugi.

--Ads--

Dagdag pa ni Caramat, isa rin sa mga pangunahing problema ng mga magsasaka ay ang pagbaha na nagdudulot ng pagkasira ng mga pananim.

Dahil dito, muling pinaigting ng LGU ang implementasyon ng crop insurance, ngunit hindi lamang ang mga pananim ang saklaw ng insurance program kundi maging ang kapakanan mismo ng mga magsasaka.

Samantala, kaugnay naman ng river rehabilitation program ng LGU, sinabi ni Mayor Caramat na nakipag-ugnayan na sila sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan upang matugunan ang problema sa sedimentasyon at putik na humahalo sa ilog.

Aniya, magsisimula ang rehabilitasyon kapag natapos na ang bagyo season at kapag bumalik na sa normal ang daloy ng tubig at lagay ng panahon.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapalakas ang sektor ng agrikultura sa Calasiao at matiyak ang kapakanan ng mga magsasaka.