Dagupan City – Nagtipon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ang PNP San Jacinto sa isang pulong para pag-usapan ang epekto ng nagdaang lindol sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Sa isinagawang koordinasyon, sinuri ng dalawang ahensya ang kalagayan ng mga apektadong lugar, at tinalakay ang mga dapat isagawang aksyon para agad na makatugon sa pangangailangan ng mga residente.
Binusisi rin ang mga isyu sa kaligtasan ng publiko at kakayahang makapaghatid ng agarang serbisyo sa gitna ng sakuna.
Binibigyang-diin ng MDRRMO ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagbabantay sa mga posibleng aftershock, paglalatag ng malinaw na plano ng paglikas, at mas mabilis na galaw ng mga emergency responders.
Samantala, tiniyak ng PNP ang kanilang buong suporta sa pagpapanatili ng kaayusan, pagbibigay ng seguridad sa mga apektadong komunidad, at aktibong partisipasyon sa relief at rescue operations.
Dahil sa magkakasunod na naranasang paglindol sa ibat-ibang lugar sa bansa, mahalaga umano ang pakikipag ugnayan sa mga emergency response team bilang paghahanda para matiyak na laging alerto sakali mang maranasan ang ano mang uri ng sakuna.