Isang malakas na lindol na may lakas na Magnitude 7.6 ang yumanig sa Davao City ngayong Biyernes, Oktubre 10, bandang alas-9:43 ng uamga, na nagdulot ng paglikas ng mga tao mula sa mga gusali patungo sa kalsada.

Makikita sa mga nagkalat na video ang nagtakbuhang mga empleyado, at mga bata mula sa daycare center kasama ang kanilang mga guro palabas ng gusali.

Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng lindol ay naitala sa karagatan sa hilagang-silangan ng Davao Oriental, na may lalim na 10 kilometro. Kasunod nito, naglabas ang ahensya ng tsunami alert para sa mga baybaying-dagat ng:

--Ads--

Eastern Samar, Dinagat Islands, Davao Oriental, Southern Leyte, Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur.

Nagbabala naman ang Phivolcs na maaaring tumaas ang tubig-dagat ng isa o higit pang metro, lalo na sa mga baybaying lugar.

Inaasahang darating ang unang alon sa pagitan ng alas-9:54 ng umaga at alas-11:54 ng umaga, at maaaring magpatuloy nang ilang oras.

Agad na inabisuhan ang mga residente sa mga apektadong baybayin na lumikas na papunta sa mas mataas na lugar.

Samantala,kiinumpirma ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang na isang indibidwal ang nasawi sa malakas na pagyanig na tumama ngayong araw, Oktubre 10.

Ayon sa Gobernador, ang napaulat na biktima ay mula sa Mati City. Nabagsakan ng parte ng gumuhong bahay ang naturang biktima.

Nakahanda namang magpadala ng anumang uri ng suporta ang United Nation sa Pilipinas kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Davao Oriental ngayong Biyernes, Oktubre 10.

Ayon kay UN Philippines Resident Coordinator Arnaud Peral, naka-standby ang kaugnay na mga ahensiya ng United Nation para rumesponde sakaling humingi ng tulong ang gobyerno ng Pilipinas.