DAGUPAN CITY – Pinirmahan ni Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat ang isang Executive Order na nagtatatag ng Flood Control Resilience, Mitigation, and Management Council na layuning magpatibay ng mga hakbang sa pagtugon sa matagal nang suliranin ng bayan sa pagbaha sa kanyang unang 100 araw sa panunungkulan.
Ayon kay Mayor Caramat, binubuo ang nasabing konseho ng mga opisyal ng munisipyo at barangay, mga kinatawan mula sa pribadong sektor at mga eksperto gaya ng mga inhinyero at arkitekto na magsasama-sama upang magbalangkas ng konkretong solusyon at long-term strategies laban sa pagbaha.
Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang kahandaang dumalo sa mga flood summits upang mas mapalawak ang ugnayan at koordinasyon sa mga karatig-bayan.
Giit niya, kailangang sabay-sabay na kumilos ang mga bayan sa paligid upang maging epektibo ang mga flood control measures.
Dagdag pa ng alkalde, ang pagbaha ay isang natural na kalamidad na walang sinuman ang may kagustuhan. Kaya imbes na magsisihan, aniya, mas mahalagang magtulungan at maghanap ng mga matagalang solusyon.
Ang pagbuo ng konseho ay bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan tungo sa isang mas ligtas, matatag, at handang Calasiao sa harap ng mga hamon ng kalikasan