Tinalakay ng Task Force Disiplina sa bayan ng Bayambang at ng Land Transportation Office (LTO) ang mga hakbang para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga pambansang batas at lokal na ordinansa kaugnay ng trapiko at disiplina sa kalsada.
Isa sa mga pangunahing agenda ang deputization ng mga personnel mula sa lokal na pamahalaan upang mabigyan ng awtoridad na tumulong sa pagmo-monitor at pagpapatupad ng batas trapiko sa kani-kanilang nasasakupan. Pinag-usapan din ang pagsasagawa ng mga pagsasanay at seminar na pangungunahan ng LTO-Bayambang, sa pamumuno ni OIC Chief Ma. Dolores Soliven, na nakatuon sa driver’s education, partikular sa wastong pagmamaneho, kaligtasan sa kalsada, at pagsunod sa mga umiiral na batas trapiko.
Bukod dito, napag-usapan din ang kasalukuyang penalty rates sa mga paglabag sa trapiko.
Inihayag na malapit nang magsagawa ng pagsusuri ang Sangguniang Bayan upang posible itong repasuhin at iakma sa kasalukuyang kalagayan.
Inaasahang mas magiging organisado at sistematiko ang kampanya laban sa mga paglabag sa trapiko, habang pinalalakas ang ugnayan sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan.