Dagupan City – Bagama’t ikinatuwa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang iniulat na pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa, binigyang-diin ng labor group na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) na kulang pa rin ito sa tinatawag na job stability.
Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng SENTRO, nakakagulat ang pagbuti ng job generation sa bansa sa kabila ng mga kinakaharap na trade turbulences at political crisis.
Gayunpaman, iginiit niyang nananatiling hamon ang pagbibigay ng dekalidad at panatag na hanapbuhay para sa mga manggagawang Pilipino.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 3.9% ang unemployment rate ng bansa noong Agosto.
Ngunit ayon kay Mata, kahit may bahagyang pag-unlad, mediocre pa rin ang kalagayan ng labor market.
Aniya, malaking bahagi pa rin ng populasyon ang walang trabaho o nasa ilalim ng hindi permanenteng trabaho, at posibleng mabawi o magbago ang trend na ito sa mga susunod na buwan dahil sa kawalan ng kasiguraduhan.
Dagdag pa niya, maraming manggagawa ang walang sapat na proteksyon, lalo na sa panahon ng kalamidad o emergency situations.
Tinukoy niya ang ilang probisyon sa Labor Code na dapat ay nagbibigay ng karapatang umiwas sa peligro ang isang manggagawa kung nakataya ang kanyang buhay at kalusugan.
Tinuligsa rin niya ang kakulangan sa enforcement ng occupational health and safety standards sa mga kumpanya, at ang kakulangan ng pamahalaan sa inspeksyon ng mga establisyemento upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa.