Dagupan City – Maituturing na “malaking pagkakamali” at hindi naging epektibo ang ipinatupad na 60-araw na import ban sa bigas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF) sinabi nito na sa halip kasi na tumaas ang presyo ng palay, lalo pa umano itong bumaba, dahilan upang mawalan ng kita ang maraming magsasaka.
Ipinahayag din ni Montemayor ang kaniyang panawagan sa naging pagdinig sa Senado ang pangangailangan na magkaroon ng disenteng budget para sa Department of Agriculture (DA), upang maisulong nang maayos ang mga food security programs sa bansa.
Isa sa mga napagtuunan ng pansin sa naturang pagdinig ay ang monitoring ng costing sa mga farm-to-market roads (FMRs).
Ayon kay Montemayor, napakahalaga ng mga FMRs sa mga magsasaka dahil nakakatipid ito sa oras at pera, at napapadali ang gawain ng mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang ani sa pamilihan.
Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga magsasaka ang nakikinabang sa FMRs kundi maging ang estudyante, at mga residente na araw-araw na dumaraan sa mga lugar na ito.
Aniya, kung masama kasi ang kondisyon ng mga daan, mataas ang posibilidad na masira o mabulok ang mga produktong agrikultural bago pa ito makarating sa merkado.
Binigyang-diin rin ni Montemayor ang kahalagahan ng pagbibigay ng makatarungan at sapat na presyo sa mga magsasaka upang hindi sila tuluyang malugi.
Hinggil naman sa minimum floor price policy, ipinaliwanag ni Montemayor na ito ay ang panukala kung saan ipagbabawal ang pagbili ng palay sa presyong mas mababa sa itinakdang halaga.
Gayunman, inamin ni Montemayor na hindi na aabot ang pagpapatupad ng panukalang ito sa kasalukuyang anihan, at kinakailangang pagplanuhan ito nang maaga upang magkaroon ng konkretong mekanismo para sa implementasyon.