DAGUPAN CITY- Nagsimula nang maramdaman ang malamig na simoy ng hangin sa hilagang bahagi ng bansa, indikasyon ng unti-unting pagpasok ng hanging amihan o northeast monsoon.
Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng PAGASA Dagupan, pinalabas na ng PAGASA ang opisyal na termination ng southwest monsoon o hanging habagat matapos itong humina.
Sa pag-alis ng habagat, nagsimula na ring pumasok ang easterly wind flow na karaniwang mainit.
Ito ang nagsisilbing transisyon bago ang ganap na pagpasok ng northeast wind flow na nagdadala ng malamig na panahon.
Kasunod ng windshift, asahan ang mas malamig na simoy ng hangin sa mga susunod na araw o linggo na isang palatandaan ng pagsisimula ng amihan season, bagamat wala pa itong opisyal na deklarasyon.
Nagdadala rin ng epekto ang amihan, lalo na sa karagatan. Inaasahang magiging maalon ang dagat partikular sa bahagi ng Northern Luzon, at lalong titindi ang pag-alon kapag may kasabay na bagyo.
Sa kabila ng pagpasok ng amihan, nananatiling aktibo ang panahon ng bagyo.
Batay sa pagsusuri ng PAGASA, posibleng may 2 hanggang 4 pa na bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Oktubre.
Dagdag ni Estrada, ang tagal ng habagat ay maaari ring maapektuhan ng presensya ng mga bagyo, na siyang maaaring magpahaba o magpaikli sa panahong ito.
Habang nararamdaman na ang lamig ng simoy ng hangin sa mga “ber” months, nananatili ang pagbabantay ng PAGASA para sa pormal na deklarasyon ng simula ng amihan.