Naghain ng petition ang Magsasaka Partylist sa Department of Agriculture para ibalik sa 35 percent ang taripa sa mga inaangkat na bigas.
Ayon kay Angel Cabatbat, chairman ng Magsasaka Partylist, kasama niya sa paghahain ng petisyon si Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers.
Kinuwestiyon ni Cabatbat ang bisa ng Executive Order No. 62, kung saan binabaan ang taripa mula 35% pababa sa 15%. Ayon sa kanya, hindi totoo na makatutulong ito sa pagbaba ng presyo ng bigas, bagkus mas lalo lamang binabaha ng imported na bigas ang merkado, at lumiliit pa ang nakokolektang pondo para sa suporta sa mga lokal na magsasaka.
Sa kasalukuyan, bumagsak na rin ang presyo ng bigas sa world market. Kaya, iginiit ni Cabatbat na panahon na para ibalik ang 35% na taripa.
Gayunman, aminado siyang huli na ang aksyong ito dahil tapos na ang anihan at marami nang magsasaka ang nalugi. Aniya, sa susunod na taon pa mararamdaman ang epekto ng taas-taripa at doon pa lang maaaring makabawi ang mga lokal na magsasaka.
Giit ni Cabatbat, ang mahalaga ngayon ay huwag nang patuloy na bahain ng imported rice ang bansa, na siyang pangunahing dahilan ng pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.