DAGUPAN CITY – Walang pakundangan ang pamamaril at hindi inisip na may mga taong nasa paligid na maaaring madadamay.
Ganito inilarawan ni Marissa Pascual – Bombo International News Correspondent sa America sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kaugnay sa nangyaring mass shooting sa gitna ng maraming taong palabas matapos ang football game sa pagitan ng Tuskegee University at Morehouse College malapit sa downtown Montgomery, Alabama na ikinasawi ng 2 katao at 14 na nasugatan
Ayon kay Pascual, nag-aalok na ngayon ang mga awtoridad ng $50,000 bilang gantimpala sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek.
Hinimok rin ng pulisya ang publiko na magsumite ng anumang video evidence na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Samantala, nakaka-alarma aniya ang nangyaring pamamaril sa nasabing bansa at nakakalungkot dahil kapag may alitan doon ay wala ng usap usap at sila ay agad nang nagbabarilan.
Mula Enero hanggang Oktubre 5 ng kasalukuyang taon, umabot na sa 330 mass shootings ang naitala sa Estados Unidos.
Lumalabas sa tala na sa huling bahagi ng 2025, tinatayang nasa 500 milyong baril ang pagmamay-ari ng mga sibilyan sa US na mas marami pa kaysa sa populasyon ng bansa na nasa pagitan ng 345 hanggang 347 milyon.