Dagupan City – Hudyat na ang ginawang pagbibitiw ni Senator Panfilo Ping Lacson bilang Senate Blue Ribbon Committee Chairman na dapat bitiwan na ng senado ang imbestigasyon sa flood control anomalies at iwanan na ito sa department of justice.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst sinabi nito na dapat nang ipaubaya sa Department of Justice at Ombudsman ang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa proyekto ng flood control.

Aniya, hindi na mahalaga kung isang “good move” ang pagbibitiw ni Lacson, kundi ang mahalaga ay ang masusing imbestigasyon sa mga kasong kriminal, mapanagot ang mga sangkot, at maibalik ang mga pondong ninakaw.

--Ads--

Dagdag pa ni Yusingco, may malalim rin kaisng epekto ang pagbibitiw ni Lacson dahil kilala itong beteranong mambabatas at dating hepe ng PNP.

Ngunit paliwanag ni Yusingco isa naman sa posible umanong dahilan ng kanyang pagbitiw ay ang posibilidad na may mga kasamahan siya sa Senado na sangkot sa katiwalian.

Samantala, tinuligsa rin ni Yusingco ang panukala ni Senator Peter Cayetano na magkaroon ng snap elections para sa mga national officials.

Ani Yusingco mistulang inihalintulad kasi niya ang mga pangyayari ngayon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1985.

Dito na ipinaliwanag ni Yusingco na hindi ito katanggap-tanggap
dahil may mga umiiral na Konstitusyon ang bansa at hindi ito dapat nilalabag.

Bilang alternatibo, iminungkahi ni Yusingco na tutukan na lamang ng Senado ang mas mahahalagang isyu gaya ng paghahanda para sa 2026 national budget at pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mambabatas.