Dagupan City – Nagsagawa ng lecture ang San Carlos City Police Station ukol sa Suicide Awareness para sa mga mag-aaral sa high school bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa pagpapalakas ng kaalaman tungkol sa mental health at pagpapalalim ng ugnayan sa komunidad.

Layon ng aktibidad na itaas ang kamalayan ng kabataan sa kahalagahan ng mental health, matukoy ang mga palatandaan ng emosyonal na paghihirap, at hikayatin ang tamang paghahanap ng tulong mula sa mga eksperto o taong pinagkakatiwalaan.

Isa rin sa mga tinalakay sa nasabing lecture ang mga sanhi at babala ng suicidal thoughts, pati na rin ang mga konkretong hakbang sa pagharap sa stress at iba pang emosyonal na suliranin.

--Ads--

Hinimok ng kapulisan ang mga estudyante na maging bukas sa pag-uusap tungkol sa kanilang saloobin, makinig at tumulong sa mga kaibigang maaaring dumaranas ng depresyon, at huwag mag-atubiling lumapit sa mga school counselor, guro, magulang, o mental health professionals kung kinakailangan.

Bahagi ito ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police upang paigtingin ang community engagement at pagtutok sa kabuuang kapakanan ng bawat mamamayan, lalo na ang mga kabataan na isa sa mga pinakaapektado ng mga isyung emosyonal at mental sa kasalukuyang panahon.

Binigyang-diin din ng San Carlos City PNP na mahalaga ang maagang interbensyon upang maiwasan ang mas malalang epekto ng depresyon at iba pang mental health issues.