Dagupan City – ‎Personal na bumisita si Philippine National Police Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Barangay Laois, Labrador, Pangasinan ngayong araw ng Sabado, upang inspeksyunin ang aabot sa 895 kilo ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa ikalawang araw ng magkakaugnay na anti-drug operations sa lalawigan.

‎Inayos na ang bilang ng nasamsam na droga mula sa naunang ulat na 905 kilo, kinumpirma naman ni Pdea Director General na si Nerez na 895 kilo ang aktwal na dami base sa imbentaryo. Kasunod nito, tiniyak din ni Pnp Chief Nartatez Jr. n magreresulta sa pagsasampa ng mga kaso at karagdagang pag-aresto ang isinasagawang malalimang imbestigasyon.

‎Matatandaan na nagsimula ang operasyon noong Oktubre 2 sa Brgy. Polong, Bugallon, kung saan naharang ang isang van na kargado ng 125 pakete ng hinihinalang shabu na nauwi sa pagkakaaresto ng isang Chinese national at Pilipinong driver nito na ngayon ay nasa kustodiya ng mga awtoridad.

‎Kinabukasan, Oktubre 3, nadiskubre ng mga operatiba ng PNP at PDEA ang mas malaking bulto ng kontrabando sa loob ng isang pribadong compound sa Barangay Laois, Labrador. Ntagpuang nakasilid sa mga tea bag ang mga pakete ng shabu.

‎Sa kabuuan, umabot sa 1,020 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa loob lamang ng dalawang araw, na may tinatayang street value na P6.8 bilyon.

‎Sa kanyang pahayag, pinasalamatan ni PGen Nartatez ang PDEA at lokal na yunit ng PNP sa mabilis at organisadong operasyon. Aniya, ang resulta ay patunay ng epektibong intelligence coordination sa pagitan ng mga ahensya.
‎‎
‎Dagdag pa rito, iniutos ni Nartatez ang pagbuo ng joint investigation team upang tukuyin ang pinagmulan ng droga, ang posibleng international links ng operasyon, at kung bakit napipiling transit area ang lalawigan ng Pangasinan.

‎Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong lawak ng operasyon at kung sinu-sino pa ang nasa likod ng malaking drug shipment.