Dagupan City – Nanawagan ang Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) na ipasa muna ang Freedom of Information (FOI) Act bago isulong ang paggamit ng tinatawag na Black Chain System sa national budget.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Professor Roland Simbulan, Chairperson ng CenPEG, na ang inisyatibo para sa Black Chain System ay nagmula sa Senado at layuning gawing mas accessible at transparent ang paggamit ng pondo ng bayan gamit ang makabagong teknolohiya.
Ipinaliwanag ni Simbulan na ang nasabing sistema ay isang uri ng digital platform na makikita at masusubaybayan ng publiko, bagay na ginagamit na rin ng ilang maliliit na bansa para maprotektahan ang kanilang badyet.
Ngunit kasabay nito, nagbabala rin siya na ang teknolohiya ay maaari ring gamiting panakip sa anomalya, kung walang sapat na sistema ng pagbabantay.
Dahil dito, iginiit ni Simbulan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng independent verification system mula sa mga non-government organizations (NGOs) upang masiguro ang tama at tapat na paggamit ng pondo sa ilalim ng bagong teknolohiya.
Dagdag pa ni Simbulan, pabor siya sa paggamit ng Black Chain System kung ito ay nakatuon sa layunin ng transparency at freedom of information.
Ngunit aniya, mas dapat munang pagtibayin ang FOI Act upang tiyaking ang lahat ng kagawaran ng pamahalaan ay may pananagutan at bukas sa publiko.