Dagupan City – Malinaw na ipinahayag ng mga residente at lokal na pamahalaan ng bayan ng Labrador ang kanilang pagiging bukas sa posibilidad na maging host site ng unang modernong nuclear power plant sa bansa, sa isang townhall meeting na pinangunahan ni Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco.
Si Cojuangco, pangunahing author ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom) Bill at matagal nang nagsusulong ng paggamit ng nuclear energy, ay nakipagdayalogo sa mga residente, lokal na opisyal, at kinatawan ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) upang talakayin ang benepisyo ng nuclear power bilang solusyon sa mataas na presyo ng kuryente at bilang susi sa paglago ng ekonomiya ng Labrador.
Ayon kay Cojuangco, mahalaga ang lokasyon ng Labrador sa kahabaan ng Lingayen Gulf at ang pagiging bukas ng mga tao sa pagbabago.
Binanggit din ni nito ang kahalagahan ng pagpasa ng PhilAtom Bill upang matiyak ang ligtas, maayos, at malinaw na regulasyon sa paggamit ng nuclear energy.
Ipinunto rin ng kongresista ang resulta ng 2024 Social Weather Stations (SWS) Survey na nagpakita ng malakas na pagtanggap ng publiko sa nuclear power, kahit sa Bataan kung saan matatagpuan ang Philippine Nuclear Power Plant (PNPP-1).
Iginiit niyang malaking potensyal ang dala ng PNPP-1 at iba pang nuclear assets ng bansa na may tinatayang halaga na $2 bilyon, na maaaring magsilbing puhunan para sa mga bagong planta.
Ayon naman kay PNRI Director Dr. Carlo Arcilla, nagbigay-diin din na ang nuclear energy ay makapagdudulot ng matatag at malinis na kuryente habang nakababawas ng greenhouse gas emissions.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Labrador Mayor Noel Uson, na nagsabing handa ang bayan na tanggapin ang ganitong oportunidad.
Ang townhall ay bahagi ng taunang Stand Up for Nuclear campaign na ipinagdiriwang ngayong taon sa 32 bansa, kabilang ang Pilipinas.
Sa pamamagitan nito, umaasa ang mga tagapagtaguyod ng nuclear energy na mas maraming Pilipino ang makauunawa na ang nuclear power ay ligtas, malinis, at susi sa pag-unlad.