Dagupan City – Bulto-bultong hinihinalang shabu na nakasilid sa mga pakete ng tea bag ang nadiskubre ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1 at Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa isang pribadong ari-arian sa Barangay Laois, Labrador sa lalawigan ng Pangasinan, nitong gabi ng Oktubre 3, 2025.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, nasa tinatayang 905 pakete ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa nasabing operasyon na nagkakahalaga ng tinatayang 6.8 Bilyong Piso.
Sa ngayon, patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung saan nagmula ang mga naturang ilegal na droga at kung sino ang nasa likod ng transaksyon.
Nakatakda naman silang bumuo ng isang operasyon team upang masusing tukuyin kung bakit tila lalawigan ang karaniwang pinipiling gawing lugar ng mga ilegal na aktibidad na ito.
Dagdag pa niya, isang malaking katanungan ang patuloy nilang sinisikap sagutin gaya na lamang ng — paano at bakit nakapasok ang ganoong kalaking dami ng ilegal na droga sa bayan ng Labrador na kilala umanong “drug-free.”
Samantala, labis ang pagkabigla ni Labrador Mayor Noel Uson sa pagkakadiskubre ng nasabing kontrabando.
Ibinahagi rin ni Vice Mayor Melchora Yaneza ang kanyang pagkagulat sa insidente.
Aniya, nanatiling tahimik at mapayapa ang kanilang bayan sa loob ng mahabang panahon, kaya’t nakakabigla na naging taguan pala ito ng ganitong kalaking halaga ng ipinagbabawal na shabu.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang mas malalimang imbestigasyon ng PDEA at PPO upang matukoy ang pinagmulan ng nasamsam na shabu at ang mga posibleng sangkot sa likod ng operasyon.