Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Bayambang, Pangasinan ang pagpapatupad ng mga patakaran ukol sa maayos na pamamahala ng basura upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.
Ilan sa mga pangunahing alituntunin ay nakatuon sa tamang paghihiwalay at pagtatapon ng mga basura mula sa mismong pinagmumulan o ang mga bawat tahanan.
Isa sa mga mahigpit na panuntunan ay ang pagbabawal sa pagbaon sa lupa ng mga ginamit na diaper at sanitary napkin.
Ang mga ito ay kailangang ilagay sa sako at isabit sa lugar na hindi naaabot ng mga hayop tulad ng aso, upang maiwasan ang pagkakalat at posibleng panganib sa kalusugan.
Hindi na rin kokolektahin ng mga garbage collector ang biodegradable waste.
Inaasahan ang bawat sambahayan na itapon ang mga nabubulok sa sariling compost pit, hardin, o sa itinalagang community composting area sa kanilang lugar.
Samantala, ang residual waste at special waste gaya ng baterya, sirang appliances, at bombilya ay dapat dalhin sa Material Recovery Facility (MRF) na matatagpuan sa Barangay Telbang.
Sa parehong pasilidad o sa kani-kanilang tahanan naman dapat mapunta ang mga recyclable materials tulad ng bote, plastik, at papel.
Ipinagbabawal din ang pagsunog ng basura at ang pagtatapon nito sa mga bakanteng lote. Layunin nitong maiwasan ang polusyon at panganib sa kalikasan at kalusugan ng mga residente.
Ang mga patakarang ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng lokal na pamahalaan upang mapatatag ang disiplina sa pamamahala ng basura.