DAGUPAN CITY- Patuloy ang hakbang ng pamahalaang barangay ng Lasip Chico sa lungsod ng Dagupan upang mapanatiling ligtas ang kanilang mga residente mula sa banta ng leptospirosis.
Ayon kay Brgy. Captain Aldwin Dexter Meneses, isa sa mga pangunahing aksyon ginagawa ng brgy ay ang direktang pamimigay ng gamot na doxycycline sa mga residente.
Sa kasalukuyan, nananatiling walang naitatalang kaso ng leptospirosis sa barangay..
Bagamat zero case, hindi ito naging dahilan para huminto sa preventive efforts ang barangay.
Dagdag ng Kapitan, Hindi lamang simpleng pamamahagi ang isinasagawa, personal na rin umano ito iniaabot ng kapitan na isa ring lisensyadong nurse.
Mahalaga kasi umano na maipaliwanag nang maayos ang tamang paraan ng pag-inom ng doxycycline, kaya’t hindi basta-basta ipinapasa sa ibang tao ang pamamahagi.
Binigyang-diin ng barangay na dapat ay nakakain ng sapat ang isang indibidwal bago inumin ang dalawang kapsula ng gamot.
Inaasahang magiging epektibo ito sa loob ng pitong araw kung susundin nang tama.
Bukod sa gamot, nagpapatuloy din ang barangay sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa pag-iwas sa kontaminadong tubig at baha dahil ito ang mga dalawang pangunahing sanhi ng pagkalat ng sakit na leptospirosis.
Sa tuloy-tuloy na pagbabantay at pag-aksyon ng barangay, umaasa ang pamunuan na mananatiling walang kaso ng leptospirosis sa Lasip Chico ngayong tag-ulan.