Hindi na umano kailangan pang magdeklara ng State of Calamity sa bayan ng Calasiao sa kabila ng pagbaha sa halos lahat ng barangay.
Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, bagamat hindi direktang tinamaan ng bagyo ang bayan, nakaranas pa rin ito ng matinding pagbaha dulot ng tubig na nagmula sa mas matataas na lugar, partikular mula sa Cordillera region.
Ayon sa alkalde, nakauwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan ang mga inilikas na residente.
Sa datos ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD), umabot sa 263 pamilya o katumbas ng 833 katao ang pansamantalang nanirahan sa evacuation center.
Kabuuang 21 barangay ang naapektuhan ng pagbaha at lahat ng apektadong pamilya ay nabigyan ng relief goods bilang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ng alkalde, na walang sinuman ang may nais sa ganitong sakuna, kaya’t pinapayuhan niya ang mga residente na mag-ingat at alagaan ang kalusugan upang makaiwas sa sakit.