DAGUPAN CITY- Isinagawa sa bayan ng San Fabian, ang isang bloodletting drive na pinangunahan ng lokal na pamahalaan, katuwang ang mga medical volunteer, para tumugon sa patuloy na kakulangan ng suplay ng dugo sa mga ospital.
Ayon kay Gerald Dioquino, Blood Donor Recruitment Officer ng RIMC & National Voluntary Blood Services Program (NVBSP), na maganda ang mga ganitong aktibidad lalo na at mataas ang demand sa dugo, lalo na sa mga emergency case, at mabilis nauubos ang stock sa mga ospital.
Target ng aktibidad na makalikom ng hindi bababa sa 200 cc ng dugo.
Ayon kay Dioquino, isa sa mga katuwang sa programa, naabot naman umano ito dahil sa dami ng mga lumahok.
Hinimok rin ng mga organizer ang iba pang LGU na magsagawa ng kaparehong drive para masuportahan hindi lamang ang mga hospital kundi maging ang mga pasyente.
Kabilang naman sa mga nagboluntaryo nagdonate ng dugo ay si Jim Kenneth Dagarag, isang driver.
Kahit araw ng pahinga, pinili niyang pumila isang bagay na, aniya, regular na niyang ginagawa hindi lang para makatulong sa ibang tao, kundi para na rin sa seguridad ng kanyang sariling pamilya.