DAGUPAN CITY- Hindi nakalusot sa Court of Appeals ang inihaing proteksyon ni Eco Dangla, Bagong Alyansang Makabayan Central Luzon, matapos itong makaranas ng abdaksyon noong nakaraang taon.
Ayon sa kaniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nakaraang taon, August 31, nang inihain niya ang writ of amparo at writ of habeas data para sa ‘protective remedies’ ng mga tulad niyang aktibistang nanganganib ang buhay at kalayaan dahil sa kanilang mga isinusulong o adbokasiya.
Kinikilala man ng Court of Appeals ang nangyaring insidente subalit kinukulang pa sa imbestigasyon at hindi pa gaano naitatag ang kanilang tinutukoy na state security forces dahilan sa pag-‘deny’ sa nasabing writ of amparo at writ of habeas data.
Aniya, ang kanilang inihain ay bunga ng kanilang pagkakadukot ni Jack Tiong noong March 28, 2024 sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa panahon na ito ay nakaranas umano sila ng pang aabuso sa pisikal at mental.
Nauna na rito nang makaranas pa si Dangla ng death threat at paghahanap sa kaniya ng mga hindi umano kilalang mga tao.
Napabilang din umano si Dangla sa itinuturing ng Regional Peace and Order Council Region 1 na ‘regional threat’.
Giit niya na ito ay patunay na gobyerno ang nasa likod ng mga insidenteng ito dahil ang kanilang mga isinusulong ay sumasagabal sa plano ng mga malalaking korporasyon.
Kabilang sa kanilang isinusulong ay paglaban sa San Roque Multi-Purpose Dam, 2nd Sual Coal Powerplant, Black Sand Mining, at marami pang iba.
Samantala, hindi pa nila tuluyang sinusukuan ang pagsulong sa proteksyon para sa mga aktibista at naghain ang kaniyang abugado ng motion for reconsideration.
Hindi pa tiyak kung gaano pa katagal ang kanilang aantayin sa proseso nito subalit, anuman ang kahinatnan ay nakatitiyak si Dangla na patuloy ang kanilang mga adbokasiya.
Dagdag pa niya, dumadami pa ang mga aktibistang dinudukot at nakararanas ng red tagging sa kasalukuyang administrasyon kumpara sa nakaraang administrasyon.
Lalo pang desidido si Dangla na ipaglaban ang kanilang pinaniniwalaang pumoprotekta sa karapatan ng taumbayan.