Sinisi ni dating House Representative France Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng madalas nitong paglagda at pag-certify bilang urgent sa panukalang budget, kahit na wala namang umiiral na emergency situation.
Ayon kay Castro, sa siyam na taon niyang karanasan bilang kongresista, nakita niya ang mga mali sa proseso ng pag-apruba ng national budget.
Aniya, kadalasang minamadali ang pag-apruba nito, at may mga pagkakataong sa loob lamang ng isang araw ay naipapasa ito—minsan ay direkta pa sa second at third reading nang hindi dumaraan sa masusing deliberasyon.
Binanggit din niya na kung may mga insertions sa General Appropriations Bill (GAB), dapat ay sa second reading ito ginagawa, hindi sa bicameral conference committee.
Nilinaw niyang ang tungkulin ng bicam ay i-reconcile lamang ang bersyon ng Senado at Kamara, at hindi para gumawa pa ng bagong insertions o pagbabago lalo na sa mga unprogrammed appropriations, tulad ng para sa suweldo at benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan.
Giit ni Castro, ang mga pagbabago o amendments sa budget ay nararapat lamang gawin sa second reading.
Kaya naman nabigla umano sila nang sa huling budget deliberation ay bigla na lamang inilagay ang malaking halaga sa unprogrammed appropriations, na dapat sana ay bahagi ng regular budget.