Hindi na umano nakapagtataka na inaprubahan ng Senate Finance Committee ang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa plenary consideration.
Ayon kay dating House Representative France Castro, halos kalahati ng mga senador ay kaalyado ng Bise Presidente kaya wala na silang inaasahang matinding debate ukol dito.
Matatandaang personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa komite upang ipagtanggol ang panukalang P902.895 milyong budget para sa kanyang opisina.
Muli namang binatikos ni Castro ang umano’y pagwawaldas ng pondo, partikular ang mahigit P20 milyong ginastos para sa mga biyahe ng pangalawang pangulo.
Bagamat iginiit ni VP Sara na hindi ito ginamit para sa personal na paglalakbay, tinuligsa pa rin ito ni Castro dahil sa pagsama ng maraming staff at security personnel.
Aniya, ang tanging nakikita niyang aktibidad ng bise presidente ay ang mga biyahe nito sa nakaraang mga taon, ngunit wala naman umanong malinaw na ulat o report na inilalabas kaugnay ng mga ito.