Bahagyang makakatulong ang pagpapalawig ng import ban sa bigas, ngunit hindi ito sasapat upang matugunan ang napakababang presyo ng palay.
Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sa kanilang monitoring, nasa P8 hanggang P10 kada kilo ang presyo ngayon ng sariwa o bagong aning palay, kaya umaaray ang mga magsasaka sa sobrang baba ng presyo nito.
Ibig sabihin, bawi lamang nila ang kanilang gastos at malaki ang kanilang lugi.
Hiling ng grupo na maitaas ang taripa at maibalik ang dating 35 porsyentong taripa.
Makakatulong aniya kung makakabili ang National Food Authority (NFA) ng mas maraming palay, ngunit maliit lamang ang kayang bilhin ng NFA.
Isa sa mga pangunahing dahilan ay puno pa ang kanilang mga bodega ng palay mula sa nakaraang ani.
Wala silang sapat na paglalagyan kaya posibleng mabulok ang bagong aning palay kung ito ay kanilang bibilhin.
Dagdag pa rito, mahigpit ang pamantayan ng NFA sa pagbili ng palay; kailangan itong hindi basa at may 96 porsyentong kalinisan, kaya bihira lamang makabenta ang mga magsasaka sa NFA.










