Dagupan City – Nanawagan ang Rise Up for Life and for Rights, sa kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na igalang ang proseso ng International Criminal Court (ICC) upang masimulan na ang paglilitis kaugnay ng mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kampanya kontra-droga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dgaupan kay Rubylin Litao, Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sinabi nito na nararapat lamang na doon sa korte ipakita ng dating pangulo ang kanyang depensa, at hindi sa pamamagitan ng mga salungat at paiba-ibang pahayag sa publiko.
Kung susuriin din kasi aniya, malinaw ang pahiwatig ng mga sinasabi ng Duterte bloc tungkol sa pagbisita ng Philippine Embassy sa kalagayan ng dating pangulo na kasalukuyang nakakulong.
Dito na tinawag ni Litao na tila “drama” ang mga naging pahayag nina Vice President Sara Duterte at dating Human Rights Lawyer Atty. Harry Roque, na nagsabing tila may “hidden agenda” ang kasalukuyang administrasyon laban kay Duterte.
Paliwanag ni Litao, may malinaw at lehitimong proseso ang ICC pagdating sa paglilitis, na hindi kailanman naranasan ng maraming pamilya ng mga biktima ng war on drugs.
Samantala, mariin ding tinutulan ng Rise Up ang posibilidad ng pansamantalang paglaya ng dating pangulo.
Ayon kay Litao, hindi nila ito pahihintulutan, lalo pa’t kilala ang pamilya Duterte sa malawak na impluwensya.
Kapag kasi nangyari aniya ang pansamantalang pagkalaya ng dating pangulo, maaaring mabura sa isipan ng publiko ang pananagutan niya, at tiyak na magdudulot ito ng takot at pangamba sa mga pamilyang matapang na lumantad at nagsalita tungkol sa kanilang mga karanasan sa karahasan sa ilalim ng war on drugs.
Iginiit din ni Litao na panahon na upang harapin ng dating pangulo ang kanyang kaso sa tamang korte at hindi sa lansangan ng pulitika o opinyon ng publiko.