Dagupan City – Malaking pasarin ngayon ng mga operators sa Pangasinan ang malawakang baha sa Dagupan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan Bernard Tuliao, Presidente ng One Pangasinan Transport Federation (OPTF) sinabi nitona lubhang apektado ngayon ang mga tsuper na bumibiyahe sa Southbound at Westbound areas kung saan lubog na sa baha ang ilang mga kalsada.

Aniya, pahirapan na ang pamamasada ng mga jeep at iba pang pampublikong transportasyon dahil sa hirap ng paglusong sa malalim na baha.

--Ads--

Idinagdag pa ni Tuliao na mahal na ngayon ang mga makinarya at piyesa, kaya’t doble ang pasanin ng mga driver kung masira pa ang kanilang mga sasakyan.

Dahil dito, inaasahan na rin umano ang posibleng pagtaas ng pamasahe, lalo’t iilan lamang ang bumibiyahe dahil sa pagbaha.

Malaking tulong naman aniya ang mga natatanggap na relief goods mula sa ilang sektor para sa mga operator at tsuper na halos walang pasada sa mga nakalipas na araw.

Hinimok din ni Tuliao ang mga kinauukulan na magkaroon ng contingency plan para sa pondong maaaring gamitin sa mga ganitong sakuna, lalo na’t inaasahang magtatagal pa ng dalawang linggo ang baha sa ilang bahagi ng lungsod.

Dagdag pa niya, paalala sa mga kapwa niya tsuper ang maging maingat sa biyahe, lalot mahalaga ang kalusugan sa panahon ngayon, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Nanawagan si Tuliao sa pamahalaan na pansamantalang isuspinde ang VAT sa krudo para sa mga pampublikong sasakyan upang kahit papaano ay maibsan ang pasanin ng mga tsuper sa gitna ng kalamidad.