DAGUPAN CITY- Pansamantalang isinara sa mga light vehicles ang barangay road sa Likep, Butaw sa bayan ng San Fabian dakong alas-siyete ng umaga kanina ngayong araw ng Lunes. Ito’y matapos ang malakas na buhos ng ulan na dala ng Super Typhoon Nando kaninang madaling araw.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head ng San Fabian na si Engr. Lope Juguilon, mabilis namang humupa ang tubig bandang alas-onse ng tanghali matapos ang ilang oras na pagbaha.
Sa kabila nito, ilang mabababang paaralan sa bayan gaya ng Aramal Elementary School at Longos Elementary School ang naapektuhan rin ng pagbaha.
Patuloy ang isinasagawang monitoring ng lokal na pamahalaan sa mga coastal barangay upang agarang makapagresponde sakaling kailanganin ang evacuation.
Hindi na rin pumalaot ang mga mangingisda sa lugar kasunod ng abiso mula sa pamahalaang panlalawigan na pansamantalang huwag munang pumalaot dahil sa banta ng malalakas na alon.
Bandang ala-una hanggang alas-dos ng hapon, hindi na naranasan ang pag-ulan sa bayan.
Ngunit ayon sa MDRRMO, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon at lebel ng tubig sa mga barangay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng patuloy na banta ng bagyong Nando.